Click on image to enlarge
ANG IDEAL MAN NI SUSAN ROCES
Sa pakikipanayam ni Norma Enriquez-Concepcion
(Manila Klasiks, 1957)
Isang magandang paksa ang aming nabuksan ni SUSAN ROCES ng SAMPAGUITA PICTURES nang minsang maging panauhin namin siya sa BULAKLAK PUBLICATIONS. Ito ay tungkol sa kanyang "ideal man" o ang lalaking pangarap niyang maging kabiyak ng dibdib balang araw. Si Susan Roces na sa tunay na buhay ay si Jesusa Levy Sonory, may 17 taong gulang at butihing anak nina G. Jose Sonora, isang Pranses, at Gng. Purificacion Levy-Sonora, isang Pilipina, ay may magandang panuntunan ukol sa pagpili ng binatang magiging karapat-dapat sa kanyang pagtatangi.
--Kung sa bagay ay hindi ko pa naman binabalak ang lumagay sa tahimik pagka't ako'y bata pa, nguni't yamang napapag-usapan natin ang tungkol sa mga katangian ng nais kong maging "ideal man" ay ito ang aking masasabi, --Aniya at nangislap ang kanyang magagandang mata. -- Ang nais ko'y binatang marunong, may sariling pagpapasiya, maunawain, maispag, may katatamtamang kisig, mataas, ang buhok ay "crew cut", at may balat na kayumangging kaligatan.
-- Liwanagin mo nga kung ano ang ibig mong sabihin ng binatang may sariling pagpapasiya. -- Hiling ko sa kanya.
-- Ang ibig kong sabihin ng binatang may sariling pagpapasiya ay yaong hindi na kailangan sumangguni pa sa iba tungkol sa kanyang dapat gawin. Kalimitan, ang paghingi ng payo sa mga kaibigan ukol sa isang bagay na mapapagpasiyahan mo naman sa iyong sarili ay lalo pang nakalilito. Sa halip na magdulot ng kabutihan ay makaaantala lamang sa maganda mong binabalak. Ang nais kong sabihin, kailangan sa isang lalaki ay may sariling paninindigan.
-- Bakit mo naman ibig ang isang binatang may kainaman lamang ang ganda o kisig, sa halip na talagang "guwapo", at may balat na kayumangging kaligatan, sa halip na maputi, at naka-"crew cut" sa halip na ibang uri ang gupit ng buhok? -- paiba kong tanong sa kanya upang matarok ang lihim kung bakit ibig niya ang gayong mga katangian.
-- Nais ko'y hindi masyadong makisig o kainaman lang pagka't baka migitan pa niya ako sa kagandahan ay hindi mainam tingnan sa magkabiyak ng dibdib na ang lalaki ay higit na maganda kaysa babae. Gayundin naman, ibig ko'y may kayumangging kaligatang balat pagka't baka mahigitan niya ang kulay ng balat ko, at saka hindi mainam masdan sa isang lalaki ang masyadong maputi, higit na mabuti yaong kayumanggi at matipuno ang katawan pagka't iyan ang talagang "manly look". Gusto ko rin ang nakagupit "crew cut" pagka't malinis tingnan.
-- Talagang matalino ka! -- puri ko sa kanya. Natagpuan mo na ba ang iyong "ideal man", ang ibig kong sabihi'y may "B.F." ka na ba?
-- Ah, wala pa... -- agad niyang sagot, sabay iling. -- Hindi ko pa iniisip ang bagay na iyan. Ang buo kong isip at puso ay nasa ika-pitong sining na aking ginagalawan ngayon.
Nang matapos ang pag-uusap namin ni Susan ay napaglimi kong may pambihirang katalinuhan siya. Akalain ba ninyong sa gulang niyang labingpitong taon lamang ay may mainam na siyang panuntunan sa pagpili ng kanyang makakaisang-palad!
* * * * * *
No comments:
Post a Comment