Click on images to enlarge
Sina Amalia Fuentes at Susan Roces sa isang pictorial, c. 1960s.
TAON: Dekada 60
LUGAR: Sinehan
EKSENA: Dalawang kabataang babae ang nagtalo at nagbangayan na nauwi sa sabunutan at kalmutan.
DAHILAN: Susan Roces vs. Amalia Fuentes
Isa lamang ito sa mga totoong eksena na nakita ko noong Dekada 60. Dalawang grupo ng mga fans, ang isa Susanians at ang isa Amalians ang nagkaroon ng away na nauwi sa sakitan ng dalawang miyembro nito.
Amalia Fuentes at Susan Roces, c. 1960.
Dekada Sisenta ng sumikat ang dalawa sa mga pangunahing artista ng Sampaguita Pictures na nagkaroon ng kani-kanyang hukbo ng tagahanga, hindi lang basta tagahanga kundi matapat at palaban na mga tagahanga. Nakalakihan ko na at nalantad sa mundo ng pelikula sa dahilang ang aking ama ay nagtrabaho sa LVN Pictures at lumabas din paminsan-minsan sa mga pelikula ni Manuel Conde at gayundin ang aking mga nakatatandang kapatid na nakahiligan ang panonood ng mga pelikula lalo na’t ito ay isang pelikula ni Susan Roces. Sa dahilang ako’y bata pa lamang noon, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ang mga pelikula nina Susan Roces at Amalia Fuentes sa bakuran ng Sampaguita Pictures. Napanood ko lamang ang mga ito tuwing ipinapalabas sa telebisyon tuwing hapon noong Dekada 70.
Amalia Fuentes and Susan Roces, c. 1960.
Ayon sa panayam ng isang magazine kina Douglas Quijano at Lolit Solis, mga kilalang manunulat at manager ng mga artista, ang panahon nina Susan Roces at Amalia Fuentes ang may pinakamatinding labanan ang mga fans. Dito raw talagang nagsasabunutan ang mga fans; magbabanta ang mga maka-Amalia na sasabuyan ng asido sa mukha si Susan, na gaganting banta naman ang mga Susanians na susundutin nila ng aspili si Amalia, at kung anu-ano pa. Simple lang ang dahilan, sino ang mas maganda: Si Amalia ba o si Susana? Mayroong mga nagsasabing suplada raw kasi si Amalia Fuentes, kaya para sa mga Susanians hindi ito magandang katangian ng isang artista para sa mga tagahanga. Ayon naman sa mga maka-Amalia, mas maganda raw ito kaysa kay Susan at ito raw ay parang buwan ang mukha at parang pamalo ng dalag ang mga binti. Ganun ang mga awayan ng mga fans nilang dalawa. Pero, sa tutoo lang, nakatulong ang ganitong rivalry sa kani-kanilang mga career. Lalong sumikat ang dalawa hanggang Dekada 70 at napanatili nila ang pagiging magkaribal sa pagka-reyna ng pelikulang Pilipino. Kabi-kabila ang kanilang mga fans club na laging sumusuporta sa mga premiere nights ng kanilang idolo.
Isang tagpo sa pelikulang "Madaling Araw" (1958) kasama sa larawan sina Juancho Gutierrez, Susan Roces, Romeo Vasquez, Amalia Fuentes.
Ang Sampaguita Pictures ay isa sa mga film studios na nakapagpasikat ng mga pinakasikat na artista ng pelikulang Pilipino; nakapag-produce ng mga movie queens gaya nina Carmen Rosales, Gloria Romero, Susan Roces, Amalia Fuentes,Vilma Santos at Nora Aunor; mga sikat na loveteams gaya nina Carmen Rosales-Rogelio de la Rosa, Gloria Romero-Luis Gonzales, Susan Roces-Eddie Gutierrez, Amalia Fuentes-Romeo Vasquez, Rosemarie-Ricky Belmonte at Nora Aunor-Tirso Cruz III; mga award-winning actors and actresses gaya nina Lolita Rodriguez, Marlene Dauden, Rita Gomez, Eddie Garcia, Dolphy, Ric Rodrigo, Alicia Vergel, Carmen Rosales, Gloria Romero, Rogelio de la Rosa, at marami pang iba.
Ang mga Sampaguita stars na sina Jose Mari, Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez at Susan Roces.
Sa kabila ng mga naglalakihang artista sa bakuran ng Sampaguita na nabigyan ng mga dramatikong papel at nagkaroon ng mga parangal, marami at iba’t ibang roles ang nagampanan nina Susan at Amalia, pero sa larangan ng comedy-musical-romance, si Susan ang karaniwang nabibigyan ng ganoong role kaysa kay Amalia na mas nabibigyan ng mga dramatic roles. Ayon mismo kay Susan, kung minsan ay nananaghili siya kay Amalia dahil madalas itong mabigyan ng mga dramatic roles na gustong-gusto niya ring ganapan pero wala siyang magawa dahil iyon ang gusto ng producer na si Dr. Jose Perez. Sa comedy kasi siya nagsimula sa pelikulang “Boksingera Daw” (1956) kung saan kasama pa niya ang mga batikan sa comedy na sina Dolphy at Panchito. Pati sa mga radio shows ay nagkakaroon siya ng pagkakataon lumabas kaya lalo siyang nahasa sa pagpapatawa, na nadagdagan pa dahil sa suporta nina Dolphy at Panchito.
Isang kuha sa pelikulang "Joey, Eddie, Lito" (1961) kasama sa larawan sina Lito Legaspi, Liberty Ilagan, Jose Mari, Amalia Fuentes, Eddie Gutierrez at Susan Roces.
Bago pa man sila naging mahigpit na magkaagaw sa popularidad sa Sampaguita Pictures, matapos silang ma-discover noong 1956, isinasama muna sila sa mga pelikula na nagtatampok sa mga sikat na artista ng Sampaguita Pictures gaya nina Paraluman, Carmen Rosales, Gloria Romero, Dolphy, Lolita Rodriguez, Rogelio de la Rosa tulad ng mga pelikulang “Sino Ang Maysala?” (1957), “Mga Anak Ng Diyos” (1957), “Ulilang Anghel” (1958), “Kuwintas Ng Alaala”, “Mga Reyna Ng Vicks” (1958), “Pitong Pagsisisi” (1959), “Kahapon Lamang” (1959), Ipinagbili Ko Ang Aking Anak” (1959), “Wedding Bells” (1959), “Sa Hardin Ng Diyos” (1960), “Sa Linggo Ang Bola” (1961) at “7 Amores” (1960). Noong Dekada 60, nakita ng pamosong producer ng Sampaguita na si Dr. Jose Perez ang box-office appeal ng dalawa kaya’t binigyan sila ng mga pelikulang sila na ang bida. Karamihan sa mga ito ay mga box-office hits kaya nagdesisyon si Doc Perez na muling pagsamahin ang dalawa sa mga pelikulang tumabo ng husto sa takilya gaya ng “Amy, Susie & Tessie” (1960), “Joey, Eddie, Lito” (1961), “The Big Broadcast” (1962), “Tulisan” (1962) at “Amaliang Mali-Mali vs. Susanang Daldal” (1963).
Ang loveteam nina Eddie Gutierrez at Susan Roces, Amalia Fuentes at Romeo Vasquez.
Nagkaroon ng hindi magandang relasyon sa pagitan ng Sampaguita Pictures at ni Amalia Fuentes nang ipasya nito na umalis ng studio noong taong 1963 at hindi na tapusin ang kontrata nito sa naturang produksyon. Dito napagtibay ang pagiging box office star ni Susan sa Sampaguita Pictures: sunud-sunod ang mga box office hits niyang pelikula katambal ang kanyang ka-loveteam na si Eddie Gutierrez: “Susanang “Ang Maganda Kong Kapitbahay”, “Eddie Loves Susie”, “Portrait of My Love”, “Hi-Sosayti”, “To Love Again”, “Ang Pangarap Ko’y Ikaw”, “Hamon Sa Kampeon”, “Anong Ganda Mo”, “Binibiro Lamang Kita”, “Sabina”, at iba pa.
Sina Susan Roces at Amalia Fuentes sa pelikula ng Jafere Productions "Cover Girls" (1968).
Samantala, si Amalia Fuentes naman ay namayagpag din sa pagiging free-lancer. Kumita rin ang mga pelikula niya sa ibang produksiyon gaya ng “Ako’y Iyung-Iyo” (1963) ng RA Fans, Inc., “Ang Mahal Ko’y Ikaw” (1963), “Ang Sangano At Ang Colegiala” (1963), “Sa Muling Pagkikita” (1963) at “Walang Hanggan” (1964) ng Tagalog Ilang-Ilang Productions, “Mga Daliring Ginto” (1964), “Sapagka’t Ikaw Ay Akin” (1963) at “Ikaw Ang Gabi At Ang Awit” (1966) ng Lea Productions at “Kulay Dugo Ang Gabi” (1965) ng People’s Pictures.
Sina Amalia Fuentes at Susan Roces sa press conference ng "Cover Girls" (1968).
Taong 1966 ng magtayo siya ng sariling produksiyon na AM Productions sa tulong ng kanyang mga kapatid. Ilan sa mga kumita niyang pelikula sa ilalim ng kanyang sariling produksyon ay ang “Ibulong Mo Sa Hangin” (kung saan kinilala siyang Best Actress ng Famas noong 1966), “Baril At Rosaryo” (1967), “The More I See You” (1967) at iba pa.
Sina Amalia Fuentes at Susan Roces sa pasinaya ng salon ng hairstylist na si Freddie Reyes.
Taong 1965 naman natapos ang kontrata ni Susan sa Sampaguita Pictures at maging freelancer. Unang pelikula niya ang “Ang Daigdig Ko’y Ikaw” (1965) ng FPJ Productions katambal ang hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. Muli, mas napatatag ni Susan ang pagiging box office star at reyna sa mga pelikulang tinangkilik ng mga tagahanga sa iba’t ibang produksyon gaya ng Lea Productions (“Bayan Ko, Lumaban Ka!”, “Maruja” (1968), “Bakasin Mo Sa Gunita” (1968), “Bandana” (1968), Ambassador Films (“Ana-Roberta” (1965), GM Films Organization (“Mariang Kondesa” (1966), “Romansa Sa World’s Fair” (1965), John-John Productions (“Itinakwil Man Kita” (1966), RAS Productions (“Mula Nang Kita’y Ibigin (1966), Alpha Pictures (“Viva Ranchera” (1966), Jafere Productions (“Swanie” (1965), “Dandansoy” (1965), at marami pang iba.
Sina Amalia Fuentes, Susan Roces at Helen Gamboa.
Sa pagiging freelancer ni Susan, muling uminit ang Susan-Amalia rivalry na nagpasigla sa mundo ng pelikulang Pilipino. Kapag may ginawa si Susan na pelikula, siguradong meron din si Amalia. Kung may “Urduja” si Amalia, meron katapat na “Dalawa Ang Nagdalantao Sa Akin” si Susan. Kung merong “Patayin Mo Sa Sindak Si Barbara” si Susan, merong katapat na “Pssst, Halika Babae” si Amalia. Kung merong “Isang Gabi, Tatlong Babae” si Amalia, si Susan ay meron namang “Florinda”. Ang lahat ng iyan ay pagpapatunay na ang dalawang reyna ng pelikulang Pilipino ay siya ring mga box-office queen ng mga panahong iyon. Ang una at huling pagsasama ng dalawang reyna ng sila’y pareho nang freelancers ay ang “Cover Girls” ng Jafere Productions taong 1968. Nagtangka ang Juan de la Cruz Productions na muling pagsamahin ang dalawa sa pelikulang “Stepsisters” subalit sa ilang kadahilahan ay hindi natuloy ang proyekto at ito ay napunta kina Lorna Tolentino at Rio Locsin.
Sina Amalia Fuentes at Susan Roces kasama si direktor Artemio Marquez.
Sa ngayon, ang huling pelikulang nilabasan ni Susan ay ang “Mano Po 2” ng Regal Films, at paminsan-minsan ay lumalabas siya sa telebisyon, mayroon din siyang bagong commercial endorsement, nakakapamili pa rin ng roles sa pelikula at telebisyon, at kamakailan ay na-nominate pa siya sa 2010 Seoul International Drama Award for Best Actress para sa teleseryeng “Sana Ngayong Pasko” ng GMA-7 na ipinalabas noong Disyembre 2009 na natapos noong Enero 2010. Marami nang titulo ang ikinabit kay Susan Roces: Movie Queen, First Lady of Philippine Cinema, Queen of All Movie Queens, Eternal Movie Queen. Masasabi kong napanatili ni Susan Roces ang titulong Reyna Ng Pelikulang Pilipino na sa palagay ko ay nararapat lamang sapagkat gaya ng Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. na inirerespeto sa industriya, si Susan Roces ay ganun din. Kung si Nora Aunor ay tinaguriang Superstar, si Vilma Santos ay Star For All Seasons, si Sharon Cuneta ay Megastar at Maricel Soriano ay Diamond Star, kapag sinabing Queen of Philippine Movies, ibig sabihin si Susan Roces iyon. Samantalang si Amalia Fuentes ay matagal nang huminto sa pag-arte sa pelikula man o telebisyon. Merong kasabihan na kapag nasa dugo ng isang artista ang pag-arte, babalikan at babalikan niya ang pag-arte at yun ang inaasahan ng kanyang mga tagahanga na muli siyang makita at mapanood sa pelikula man o telebisyon. Samantala, isang malaking event kung muling magkakasama sa pelikula ang dalawang naging magkatunggali sa popularidad ng Dekada 60, sina Amalia Fuentes at Susan Roces. – jamesdrosa
*******
Palitan Ng Mga Komento Ng Mga Fans ni Susan At Amalia:
Source: MOD Magazine
* * * * *
Ang Hindi Natuloy Na Pelikula Nina Susan at Amalia na "Stepsisters"
* * * * *
Ilan sa mga pelikulang pinagsamahan nina Susan Roces at Amalia Fuentes:
Pretty Boy (1957) - starring Amalia Fuentes, Romeo Vasquez, Guest Star: Susan Roces
Mga Reyna Ng Vicks (1958) - starring Gloria Romero, Rita Gomez, Amalia Fuentes, Susan Roces, Ric Rodrigo, Luis Gonzales, Juancho Gutierrez, Romeo Vasquez
Ulilang Anghel (1958) - starring Paraluman, Amalia Fuentes, Susan Roces, Barbara Perez, Daisy Romualdez, Tony Marzan, Tito Galla, Greg Martin, Jose Mari, Tony Cayado and Introducing Rosemarie
Madaling Araw (1958) - starring Amalia Fuentes, Susan Roces, Juancho Gutierrez, Romeo Vasquez, Tito Galla
Tawag Ng Tanghalan (1958) - starring Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez, Susan Roces, Romeo Vasquez and Jose Mari
Ipinagbili Ko Ang Aking Anak (1959) - starring Paraluman, Van de Leon, Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez, Susan Roces and Romeo Vasquez
Kahapon Lamang (1959) - starring Gloria Romero, Paraluman, Van de Leon, Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez, Susan Roces, Romeo Vasquez, Greg Martin and Patria Plata
Pitong Pagsisisi (1959) - starring Carmen Rosales, Gloria Romero, Paraluman, Rita Gomez, Ric Rodrigo, Lolita Rodriguez, Luis Gonzales, Van de Leon, Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez, Susan Roces, Romeo Vasquez, Barbara Perez, Marlene Dauden, Carlos Salazar, Tony Marzan, Tony Cayado, Eddie Garcia, Liberty Ilagan and Eddie Gutierrez
Wedding Bells (1959) - starring Gloria Romero, Amalia Fuentes, Susan Roces, Barbara Perez, Juancho Gutierrez, Romeo Vasquez, Jose Mari, Greg Martin, Dolphy and The Wing Duo
7 Amores (1960) - starring Gloria Romero, Juancho Gutierrez, Mario Montenegro, Rita Gomez, Ric Rodrigo, Lolita Rodriguez, Luis Gonzales, Jean Lopez, Amalia Fuentes, Romeo Vasquez, Marlene Dauden, Greg Martin, Susan Roces, Jose Mari, Dolphy, Barbara Perez, Tito Galla,The Wing Duo and Panchito
Amy, Susie & Tessie (1960) - starring Amalia Fuentes, Susan Roces, Tessie Agana, Juancho Gutierrez, Romeo Vasquez, Jose Mari, Paraluman and Eddie Garcia
Sa Hardin Ng Diyos (1960) - starring Fred Montilla, Juancho Gutierrez, Romeo Vasquez, Tito Galla, Amalia Fuentes, Susan Roces, Barbara Perez and Liberty Ilagan
Sa Linggo Ang Bola (1961) - starring Fred Montilla, Paraluman, Rita Gomez, Susan Roces, Jose Mari, Amalia Fuentes, Barbara Perez, Josephine Estrada, Dolphy & Panchito, Eddie Gutierrez, Eddie Garcia and Tony Marzan
Joey, Eddie and Lito (1961) - starring Jose Mari, Eddie Gutierrez, Lito Legaspi, Amalia Fuentes, Susan Roces and Liberty Ilagan
The Big Broadcast (1962) - starring Amalia Fuentes, Susan Roces, Jose Mari, Eddie Gutierrez, Dolphy, Panchito, Patsy, Chichay, Aruray and all Sampaguita Stars
Tulisan (1962) - starring Amalia Fuentes, Susan Roces, Tito Galla, Greg Martin and Tony Marzan
Amaliang Mali-Mali vs. Susanang Daldal (1963) - starring Amalia Fuentes, Susan Roces, Eddie Gutierrez and Jose Mari
Cover Girls (1968) - starring Susan Roces, Amalia Fuentes, Bob Soler and Tito Galla
Happy Days Are Here Again (1974) - A compilation of musical clips from the movies of Sampaguita Pictures, LVN Pictures and Premiere Productions
* * * * * *
This comment has been removed by a blog administrator.
ReplyDeleteThis comment has been removed by a blog administrator.
ReplyDelete