Click on images to enlarge
Si Susan Roces at Oscar Moreno sa pelikulang "BINIBIRO LAMANG KITA"
* * * * * *
ANG PAGBABALIK NI OSCAR MORENO SA PELIKULA
Ni Monic Lusterio Orian
KATULAD ng alinmang sining, ang pagiging artista ay isa ring propesyong mahirap takasan ng isang nilikhang sadyang ipinanganak na artista. Sapagka't ang pag-aartista ay nagiging bahagi na ng buhay ng isang bituin sa sandaling tumahak sa ganitong uri ng propesyon. Mahirap itong iwan o kaya ay itakwil. Kaya naman, habang nalalayo ang isang bituin sa daigdig ng pelikula ay lalo naman silang nananabik na muling malapit dito.
Ganitong damdamin ang nadama ni Oscar Moreno, batikang bituin sa puting tabing, sa kanyang buhay bilang isang artista, bagama't matagal nang naglaho sa langit-langitan ng pelikula. Sa kabila ng kanyang pamamahinga at pagtahak sa naiibang uri ng hanapbuhay, bilang mangangalakal ay muli't muling dumadalaw sa kanyang alaala ang dating daigdig na ginagalawan.
-- Ang pag-aartista pala ay mahirap iwasan ng isang tao lalo't sa ganitong uri ka ng pamumuhay nagsimula -- ang patatapat sa amin ni Oscar Moreno nang makapanayam namin kamakailan sa estudyo ng Sampaguita Pictures.
Ipinagtapat ni Oscar na ginigising ang kanyang pananabik sa pag-aartista kapag natutunghayan niya sa mga pahayagan at lingguhang magasin ang mga lathalaing nauukol sa pag-aartista. Muling nagbabalik sa kanyang alaala ang kanyang kapanahunan bilang isang bituin.
-- Nguni't ang kahapon ay bahagi na lamang ng isang alaala, -- may kalungkutang nasabi pa ni Oscar. -- Noon ay panahon namin nguni't ngayon ay panahon naman ng ating mga kabataang artista.
Si Oscar Moreno ay ilan lamang sa mga bituing naging kapanahon nina Jose Padilla, Jr., Rogelio d ela Rosa, Pol Salcedo, Ricardo Brillantes, Teddy Benavides, Armando de Guzman, Fernando Poe, Fernando Royo, Ben Perez, Mila del Sol, Bimbo Danao, Mona Lisa, Leila Morena, Lilia Dizon, Gil de Leon, Lillian Leonardo, Linda Estrella, Anita Linda, Rosa Rosal, Tessie Quintana, Rebecca del Rio, Virginia Montes, Carmen Rosales, Pancho Magalona at Delia Razon.
Sa mga dati nang bituin ay sina Jose Padilla, Jr., Ben Perez, Pancho Magalona, Pol Salcedo na lamang ang madalas lumabas sa pelikula. Ang karamihan sa mga bituin noon ay may mga asawa na't mga anak at nalilibang sa iba't ibang uri ng hanapbuhay. Ang iba naman ay naninirahan sa Estados Unidos.
Sa paglabas na muli ni Oscar Moreno ay makakatambal niya ang dating Reyna ng Pelikulang Tagalog na si Carmen Rosales, na matagal na ring naglaho sa pelikula mula nang lumabas sa "Mama's Boy", "Sosayting Dukha" at "Debutante" ng Sampaguita Pictures.
Ang pamagat ng pelikulang gagawin nila pagkaraan ng matagal na panahong pamamahinga ay "Binibiro Lamang Kita" sa bakuran ng Sampaguita Pictures.
Katulad ng dating mga pelikulng ginampanan ni Oscar Moreno, ang pagiging isang dakilang mangingibig ang kanyang magiging papel. Sa muli niyang pagbabalik sa pelikula ay makakasama niya ang dating katambal sa pelikula, si Carmen Rosales. Marami na ring pagkakataong nagkatambal sila sa pelikula ni Mameng kaya't hindi na magiging mahirap sa kanilang dalawa ang papel na kanilang gagampanan. Ang bagong tanawin nga lamang ay makakasama niya ang bituing dati niyang tagahangang sina Susan Roces at Eddie Gutierrez.
Si Oscar Moreno, sa kabila ng maraming taong nagdaan ay isa pa ring makisig, matikas, larawan ng kasiglahan, mahusay magdala ng damit at tunay pa ring larawan ng dating Oscar Moreno ng lumipas na panahon. Sa kanyang mapang-akit na mga mata at magandang kilay ay nasisinag pa rin ang dating sigla. Ang mga katangiang ito ni Oscar Moreno ang nagpapanatili ng kaniyang lihim na kabataan.
Kaya naman, kami ay naniniwalang maging sa harap ng kamera ay maipamamalas pa rin niya ang dating kakayahan at kasiglahan sa pagganap. At nananalig pa rin kaming hindi siya pababayaan ng kanyang mga dating tagahanga at bagkus ay lalo pa siyang tatangkilikin. Kaya, sa muling pagbabalik ni Oscar Moreno sa pelikula ay wala kaming tanging idinadalangin kundi magtagumpay sana siya at muling maging bahagi ng kanyang buhay ang daigdig ng pelikulang Tagalog.
Source: Tagumpay Magazine, January 29, 1964
* * * * * *
No comments:
Post a Comment