Saturday, February 22, 2014

KABABALAGHAN SA BUHAY NG ISANG BITUIN: TILA PANAGINIP LAMANG (HIWAGA NG ISANG SINELAS) (Taliba, Enero 22, 1961), PART 4

Click on images to enlarge


(ITUTULOY)


Inilathala sa pahayagang TALIBA, Enero 16-Pebrero 7, 1961
Sinulat ni Jose C. Garcia


* * * * * * 

(TILA PANAGINIP LAMANG)
HIWAGA NG ISANG SINELAS
Pakikipanayam ni Jose C. Garcia

Maliit pang bata ay "kinatuwaan" na si Jesusa ng sinasabing mga "lamang lupa."  Ang kagilagilalas na pangyayari ay nang minsang makatalisod ang bata sa di naman makita kung ano.

Kinabukasan ay nilagnat si Jesusa at nawala.  Matagal bago nakita nina Gng. Sonora na nakalugmok s tabi ng isang puno.  Sinabi ng bata na may nagsama sa kanya na isang maliit na tao.  Dinala siya sa isang "kaharian" at ibig siyang gawing reyna.  Nakatakas lamang siya.

Ayaw maniwala ang ama't ina ngunit nang sabihin ni Jesusa na bakit may putik siya sa paa, at bakit hindi siya nakita ni Bennett nang siya'y manaog, ay walang nakasagot.

Nabawi ng mga Amerikano ang Kapuluan at nang magtungo sa Amerika si Dr. Sonora ay nagbalik sina Gng. Sonora sa Bakolod upang doon manirahan . . .

KARUGTONG

Sa Bakolod unti-unting namukadkad ang pagdadalaga ni Jesusa.  Dito niya tinamasa ang kasiyahan sa mga huling araw ng kanyang kamusmusan.  Sa gulang na maglalabing-apat na taon, nakatawag ng pansin ng balana ang angkin niyang kagandahan.  Hindi katulad noong siya'y maliit pa, ngayon ay kilala siya sa pangalang Susan, na kinuha rin sa tunay niyang pangalang Jesusa.

Sa La Consolacion College ay natampok siya bilang mag-aaral.  Kinilala ng lahat ang angkin niyang katalinuhan.  Malimit siyang makasali sa mga paligsahan ng mga estudyante.  Madalas din siyang mahirang na gumanap sa mga palatuntunang idinaraos ng kanilang paaralan.

Ang higit na nakaakit ng paghanga ng marami ay ang kahusayan niyang gumanap ng papel sa itinatanghal na mga dula.  Makatotohanan ang kanyang pagganap.

"Daig mo pa ang tunay na artista, Susan," ang malimit masabi ng kanyang mga kaibigan.

"Pinahanga mo kami sa pagtatanghal ninyo kagabi!  Napaiyak tuloy ako sa arte mo -- tunay na tunay!"

"Hindi ka alangang maging sikat na artista sa pelikula balang araw  . . ."

Kapag nababanggit ang salitang artista sa pelikula ay nangingiti lamang si Susan.

"Malayo!  Ni hindi ko pinapangarap ang bagay na 'yan," malimit niyang isagot.  "Saka, hindi ang hitsura kong ito ang magiging artista sa pelikula!"

Sa kabila ng angking mga katangian ni Susan na ikinaangat niya sa ibang dalaga ay mapakumbaba siya at mababang-loob, kaya naman lalo siyang nagiging maganda sa paningin ng lahat.  Lalo siyang hinahangaan.

ISANG HAPON, sa isang kaarawan ay naanyayahan ang kanyang Tita Trining, kapatid ng kanyang ama.  Ipinagsama siya at si Bennett na noon ay dalagang-dalaga na at bumibilang na rin ng mga tagahangang binata.

Pauwi na sila buhat sa dinaluhang kasayahan, nang sa kanilang paglakad ay bigla na lamang mapatigil si Susan.

"Bakit. . . ?" anang kanyang tiya.

"May narinig akong tumatawag," sagot ni Susan habang nagpapalinga-linga.

Iginala rin ni Bennett ang tingin, nguni't wala namang makita.

"Sino ang tatawag sa 'yo, wala namang tao?" sabi ni Bennett.  "Tayo na at baka gabihin tayo . . ."

Wala nga namang maaring tumawag kay Susan.  Ang lugar na kinaroroonan nila ay isang maliit na kalyeng tila eskinita, na nagkataong wala namang ibang nagdaraan ng mga oras na yaon kundi sila lamang tatlo. 

"Baka may kung anong humaging lamang sa pandinig mo," wika naman ng kanyang Tita Trining, at nagpatuloy ng paglakad.

Palingun-lingon si Susan nang muling humakbang.  Talagang may narinig siyang tila tumawag sa kanyang pangalan.  At hindi malayo -- ang dinig niya'y sa dakong likuran lamang nila.  Subali't naisip niyang baka nga isang pagkakamali lamang iyon ng kanyang pakinig, kaya makailang sandali'y nawala na sa kanyang isip.

Subali't kinagabihan, nang nakahiga na si Susan na kasiping nina Bennett at Rosemarie, ay naisip na naman niya iyon.  At di niya naiwasang makaugnay ng kanyang alaala ang nalalayong ama, si Dr. Sonora.  Naisip niyang baka may sakit ang minamahal niyang magulang, dili kaya'y baka may nangyaring sakuna, at ang narinig niya'y isang "pahiwatig."

Sa mga bagay na pumasok s dilidili ni Susan ay sinaklot siya ng bahagyang pangamba.  Nagbangon siya at nagdasal ng Rosaryo.  Pagkatapos ay pilit nang natulog.  Gayunman, matagal bago siya tuluyang naidlip.

MALALIM na ang gabi at tahimik na ang lahat nang mapukaw si Susan.  Parang may narinig na naman siyang tinig na tumatawag sa kanyang pangalan buhat sa labas ng silid.  Sa pag-aakalang baka ang kanyang ina ang tumatawag pagkat ito'y natutulog sa kabilang silid lamang, kasama sina Teresita at Joe, ay nagbangon si Susan at binuksan ang pinto.

Laban sa kanyang inaakala, ang natambad sa kanyang paningin ay isang kakaibang tanawing dapat sana niyang ikatakot.  Subali't siya man ay ibig magtaka sa kanyang sarili kung bakit wala siyang naramdamang bahagya mang takot noon.  Sa halip ay parang natuwa pa siya sa kanyang nakita:  isang maliit na taong nakasombrero ng boneta, na gayong kaliit ay kung bakit mukhang matanda na at may balbas.  Ni hindi rin siya nagulat nang magsalita iyon sa isang tinig na matinis at nakatutuwang pakinggan.

"Halika, Susan . . . ipapasyal kita . . ."

"Sa oras na ito?  Saan?"

"Saka mo na malalaman.  Basta sumama ka sa 'kin.  Ang gabing ito'y hindi mo na malilimot kailanman dahil sa magiging karanasan mo.  At sinasabi ko sa 'yong mapalad ka, Susan!  Bihira ang nagkakaroon ng ganitong kapalaran .. . "

Bagaman hindi maunawaan ni Susan ang kahulugan ng sinabi ng kaharap ay napatango siya.  Talagang hindi siya sinasagilahan ng muntimang takot at pangamba -- bagay na hindi niya lubhang ipinagtaka nang oras na iyon kundi nang makaraan na lamang ang lahat.

At nanaog sila ng munting tao matapos na ipinid nito ang pinto ng pinanggalingan niyang silid.  Walang nakamalay sa kanyang pag-alis.

Sa lupa, nabungaran ni Susan ang ilan pang maliliit na taong nangakatingala sa hagdan at tila silang talaga ang hinihintay.  Nagluksuhan pa nang mga iyon nang siya'y makita.  Parang tuwang-tuwa.

"Tayo na, Susan. . ." wika ng kasama niya.  "Mamasyal na tayo . . ."

Bago nakapagsalita si Susan, isang ibong puti na mga dalawang dipa ang laki ang pabulusok na lumapag buhat sa himpapawid.  Kasunod nitong bumaba ang labintatlong itim na kalapati.

Ang pangyayaring iyon ay sapat nang ikagitla ni Susan at maaaring ikakaripas niya ng takbo.  Subali't wala rin siyang naramdamang bahagya mang takot.  Sa halip ay namalikmata lamang siya sa kanyang nasaksihan.  At makaraan pa ang ilang saglit. . . nalaman na lamang niyang siya'y sakay ng malaking ibong puti na lumilipad sa taas na lagpas-bubong lamang ng karaniwang bahay.  Kasunod niyang lumilipad din ang mga kalapating itim na kinasasakyan naman ng maliliit niyang kasama.  Kung paano nasakyan ng mga iyon ang mga kalapati at kung paano siya nailipad ng ibon, ay hindi rin niyang maipaliwanag.

Kung may nakakita sa kababalaghang iyon, marahil ay nagkagulo na sa buong bayan sa mabilis na pagkalat ng kagilagilalas na balita.  Subali't dahil sa hatinggabing kalaliman, walang ibang nakasaksi sa gayong pangyayari kundi siya lamang at ang kanyang mga kasama. . .

ANG NAGING karanasan ni Susan nang gabing iyon ay tila isang panaginip lamang.  At ang lahat ay ibinida niya sa kanyang ina at mga kapatid kinabukasan ng umaga.

"Tuwang-tuwa silang lahat sa akin . . ." ang sabi pa ni Susan na masayang-masaya at parang nakikita pa ang mga bagay na namalas nang nagdaang gabi.  "Pinaupo nila ako sa isang . . . sa tingin ko'y tronong ginto, habang sila'y nagsisipagsayaw sa saliw ng maliliit na bandurya.  Kinabitan pa ako ng mabangong bulaklak sa aking buhok, na ewan kung saan nalaglag nang ako'y umuwi . . ."

"Nananaginip na naman ang batang ito," patawang sagot ni Gng Sonora.  "Ma'nong tigilan mo na nga ang kabaliwan mong 'yan!"

"Iniinggit mo lang kami Ate. . ." sabi naman ni Rosemarie.

"Hindi!  Talangang tutoo lang nangyari sa akin," giit ni Susan.

"Kung tutoo, e bakit hindi mo kami ginising nang dumating ka?" sbi naman ni Bennett na natatawa rin sa ibinabalita ng kapatid.

"Mangyari'y pinagbilinan ako. Sinabing ilihim ko raw sa lahat pagka't kung hindi'y pihong pagtatawanan lamang ako.  Sasabihing nasisiraan na ako ng isip.  At ayaw daw nilang magkagayon.  Hindi ko nga lang matiis na di sabihin sa inyo . . ."

"Ow, ma'nong magtigil ka na nga, Susan," nagtatawa ing sabi uli ni Gng. Sonora.  "Tayo nang lumabas, nang makapaghanda ng agahan . . ."

Nagpauna nang lumabas si Gng. Sonora.  Sasabay na rin sana si Susan sa mga kapatid upang lumabas na rin nguni't napansing wala ang isang paa ng kanyang sinelas.  Nahanap na sa lahat nang sulok ay wala.

"Saan ba napunta 'yun?" ani Susan.  "Isinuot ko pa kagabi  . . . nang manaog ako.!"

Sa pag-aakalang uumpisahan na naman ng kapatid ang pagbibida nito ng kabaliwan ay hinatak na ni Bennett sa kamay upang sabay-sabay na silang lumabas.  "Tena at nang matulungan natin ang Mama.  H'wag ka nang magsinelas, nasa bahay naman . . ."

Hindi na umimik si Susan, ngunit talagang iniisip kung saan napunta ang kanyang sinelas.  

Nakaupo na sa harap ng hapag ang mag-anak nang dumating si Nestor buhat sa lupa.  Tuwing umaga, bago mag-almusal ay unang hinaharap ni Nestor ang kanyang maliit na taniman ng gulay sa isang dako ng hardin.  Mahilig si Nestor na magbutingting ng mga halaman at iba pang tanim na pinakikinabangan.  Kung tapos nang harapin iyon ay saka pumapanhik upang mag-almusal kaya kadalasan ay nahuhuli sa pagkain.

"Abot na abot ako . . ." ani Nestor, na inihagis sa dakong paanan ni Susan ang nawawalang isang paang sinelas.  "Hayan ang sinelas mo, kung saan-saan mo na lang iniiwan!"

"Kanina ko pa ito hinahanap, a!  Saan mo nakuna, Tiyong?" patakang tanong ni Susan.

"Sa ibaba... sa may hardin."

Napakunot-noo si Bennett at si Susan.  Noon nila napuna ang isang bulaklak na hawak-hawak naman ng kaliwang kamay ni Nestor.

"Tiyong!  Saan mo nakuha ang bulaklak na 'yan?" lalong gulilat na tanong uli ni Susan.

"Doon din sa ibaba, sa malapit sa kinakitana ko n'yang sinelas!  Kaya ko nga ipinanhik dito, eh nagtataka ako.  Kung saan ito nanggaling . . .wala naman tayong tanim na ganito ang bulaklak!"

Nagkatinginan sina Bennett at Gng. Sonora.  Si Susan ay parang ipinatda sa pagkakaupo na tila nakakakita ng kababalaghan.  Pagkuwa'y napatayo at nahawakan ang kamay ng ina.  "Tutoo, Mama!. . . Tutoo nga ang mga sinabi kong nangyari sa akin kagabi!  . . . Maniwala kayo!  Tutoong lahat at hindi panaginip lamang!  Katunaya'y hayan ang bulaklak na ikinabit nila sa buhok ko kagabi!  Doon pala nalaglag. . .!"

Hindi makapagsalita si Gng. Sonora, gayundin si Bennett.  Paano nga naman napunta sa lupa ang isang paang sinelas kung hindi nanaog ng bahay si Susan nang nagdaang gabi?  At saan nanggaling ang naiibang bulaklak na iyon na siya raw ibinigay kay Susan ng maliliit na kaibigan?

Si Nestor ay napamaang sa narinig na pag-uusap ng mag-ina na hindi niya maunawaan pagka't siya'y kapapanhik lamang.

"Ano ba'ng pinagsasabi mo, Susan?" ang naitanong.

"Ang pamangkin mo. . . tila nga 'nakatuwaan' na naman ng . . ." si Gng. Sonora ang sumagot, na sa halip tapusin ang pagsasalita ay nakapagkurus na lamang.

(ITUTULOY SA MARTES)

* * * * * *

No comments:

Post a Comment