Click on the images to enlarge
* * * * * *
SUSAN ROCES: DALAGA PA RIN NGAYONG PASKO
Pilipino Magazine, December 25, 1968
ni Romy Galang
Pilipino Magazine, December 25, 1968
ni Romy Galang
Disyembre 25, 1968
Magpapasko din, sampung taon na ang nakalilipas, nang kapanayamin namin si Susan Roces sa estudyo ng Sampaguita. Ang aming paksa, pag-aasawa.
"Naku, napakalayo niyan sa isip ko!" bulalas ni Susan nang tanungin namin siya kung kailan siya mag-aasawa.
Nang mga panahong iyan ay tatlong binata umano na kasamahan sa estudyo ang nag-aagawan sa pag-ibig ni Susan. Ang tatlong binata ay pawang buhat sa mabubuting angkan at nakaririwasa sa buhay.
"Mga kaibigan ko lang sila," paliwanag ni Susan. "At isa pa, hindi ako naniniwala na ang isang tin-edyer ay dapat mag-asawa. Lahat ng kababata kong nagsipag-asawa nang maaga ay nagsisisi ngayon. Pinagpapayuhan nila akong huwag tumulad sa kanila. Napakabigat daw na pananagutan para sa isang tin-edyer ang maging ina ng tahanan," dugtong pa ni Susan.
Sampung taon na ang nakalilipas ay hindi pa reyna ng pelikula si Susan. Ang mga kampeon sa takilya noon ay sina Gloria Romero, Lolita Rodriguez at Nida Blanca. Sina Susan at Amalia Fuentes ay noon pa lamang umaangat bilang mga bagong idolo ng kabataan.
"Kapag nag-asawa ako ngayon ay para na rin akong tumalikod sa isang magandang kinabukasan sa pelikula. Maraming mabibigo. Bukod sa aking mga magulang ay mabibigo rin ang pag-asa para sa akin nina Mommy Vera, Dr. at Mrs. Jose R. Perez. Labimpitong taong gulang pa lamang ako ngayon. Naniniwala akong ang isang dalaga ay dapat mag-asawa sa gulang na 25," wika pa ni Susan.
Pagkaraan ng walong taon ay ipinagdiwang ni Susan ang kanyang ika-25 taong kaarawan nang siya'y dalagang-dalaga pa. Noon ay hindi pa umiinit ang tsismis na sila ni Ronnie Poe ay nagkakaibigan. Maaaring nang mga panahong iyon ay hindi pa sila magkasintahan kundi mabuting magkaibigan lamang.
Magpapasko rin noong nakaraang taon nang mapabalitang sina Susan at Ronnie ay malapit nang ikasal. Katunayan, napabalita pa ang petsa ng kanilang pag-iisang dibdib. Huling linggo araw ng Nobiyembre.
May tsismis pang kumalat noon na kasal na raw nang lihim ang dalawa. Ikinasal umano sina Susan at Ronnie sa Pandi, Bulakan. Ito ay madali namang napatunayang balitang-kutsero lamang.
Nakapanayam namin noon si Susan sa dating estudyo ng ABS-CBN sa Pasay City. May siyuting siya noon ng "Buhay-Artista".
Masaya si Susan. Masigla siyang nakipagkuwentuhan sa iba pang mga manunulat na dumalaw sa siyuting. Isang bagay lamang ang napansin namin. Tila iniiwasan ni Susan ang mga tanong ukol sa romansa nila ni Ronnie.
Karapatan niya iyon. Ang pag-ibig ay isang bagay na lubhang personal, kahit na sa isang sikat na artista.
Pero si Susan ay hindi nagmaramot sa among mga tanong.
"Dalaga pa ako ngayong Pasko. Iyan ay tinitiyak ko," nakangiting wika ni Susan. "Hindi pa ako mag-aasawa. Natitiyak kong kung hanggang Pasko lamang ay hindi pa ako lalagay s tahimik."
Sinabi pa ni Susan na para sa kanya, ang kasal ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ng isang babae. Iyon ay hindi dapat itago. Manapa'y dapat ipabatid sa buong daigdig.
"Hindi kailanman maaaring maging lihim ang aking kasal. Maaaring maging simple lamang pero aanyayahan kong lahat ang aking mga kamag-anak, kaibigan at maging ang aking mga tagahanga," pagtatapat ni Susna.
Maaaring maging simple, pero tiyak na magiging maingay at magulo kung dadalong lahat ang daan-daang libong tagahanga niya, huwag nang banggitin pa ang mga tagahanga ni Ronnie -- kung si Ronnie nga ang kanyang mapapangasawa. Ito ang naisaloob namin.
Marami na kaming nadaluhang kasal ng mga artista. Isa man ay walang naging tahimik. Maging ang kasal sa madaling araw nina Gloria Romero at Juancho Gutierrez sa Forbes Park noong Septiyembre 24, 1960, ay hindi rin naligtas sa pagkakaingay ng mga usyoso at usyosa.
Ang nating tahimik lamang marahil ay ang mga kasal na ginanap sa ibang bansa. Tulad ng kina Romeo Vasquez at Amalia Fuentes. Hindi sila kilala roon.
Kalagitnaan ng 1968 nang muling mapabalitang malapit nang ikasal sina Susan at Ronnie. Katunayan ang pinagmulan ng balita ay ang mga taong malalapit na rin sa dalawa, lalo na ang mga kawani ng FPJ Productions.
Nakikita na raw nila ang mga palatandaan. Dati raw ay bihirang magtambal sa pelikula sina Susan at Ronnie sapagka't nangangamba silang magsawa sa kanila agad ang kanilang mga tagahanga. Ngayon daw ay hindi na nila pinangangambahan iyon. Tatlong sunud-sunod na pelikula ang ginawa nila nang sila ay mga pangunahing bituin.
May nagbulong pa sa amin na Oktubre binabalak nina Susan at Ronnie na magpakasal. Sa Amerika at sa Europa pa raw gagawin ang pulot-gata. At habang nasa Amerika raw sila ay gagawa sila ng isang pelikula sa Arizona at sila ang mga pangunahing bituin.
Hindi nalingid sa kaalaman nina Susan at Ronnie ang balitang kumakalat. Hindi nila pinagkaabalahang pabulaaan iyon. Lalo tuloy tumibay ang paniwala ng marami na tutoo nga ang balita.
Nahagkan pa ni Susan si Ronnie sa harap ng maraming tao nang itong huli ay magwagi sa FAMAS noong Hunyo. Napasigaw sa tuwa ang mga tagahanga. Nagsipag-unahan ang mga potograpo sa pagkuha ng larawan. Hindi dating nagpapakita ng ganyan sina Susan at Ronnie sa publiko.
"Tutoo nga ang balitang malapit nang ikasal ang dalawa!", bulalas ng mga tagahanga.
Nagimbal ang mga tagahanga nang bila na lamang nilan mabalitaan noong nakaraang Septiyembre na nagkasira ang magkasintahan. Isinauli na raw umano ni Susan kay Ronnie ang singsing na brilyanteng inihandog sa kanya.
Si Ronnie naman daw ay ayaw nang magsiyuting sa "To Susan With Love." Ito raw ang dahilan kung bakit ang nasabing pelikula ay hindi kaagad nailabas.
Nabigo umano ang mga pagsisikap ng mga kaibigang artista nina Susan at Ronnie na pagkasunduin ang dalawa. Kapwa raw matatag ang pasyang tapusin na ang lahat sa kanila.
Ano ang dahilan ng kanilang pagkakasira?
May nagsasabing ang pelikulang "Lilet" ang dahilan. Ayaw daw ni Ronnie na gawin iyon ni Susan sapagka't ang pinakatampok na eksena ng pelikula ay ang paggahasa sa bidang babae na gagampanan ni Susan. Ayon kay Ronnie, hindi raw makabubuti iyon sa image ni Susan.
May nagsabi namang hindi ito ang tunay na dahilan. Napakaliit daw na bagay ito upang maging dahilan ng pagkakasira ng dalawa.
Kung anuman ang tunay na dahilan ay maaaring sina Susan at Ronnie lamang lang nakaaalam. Ang alam lamang namin ay ang malaking panghihinayang ng kanilang mga tagahanga.
Nagkaroon ng panibagong pag-asa ang mga tagahanga ng dalawa nang ipasya ni Ronnie na ituloy ang pagganap niya sa "To Susan With Love" na produksiyon ng Rosas Productions ni Susan.
Samantalang nagsisiyuting ang dalawa ay napansin ng kanilang mga kasamahan na bagama't nagkukuwentuhan sina Ronnie at Susan, kung minsan ay nagbibiruan pa, ang pagtitinginan naman nila ay hindi na katulad nang dati. Tila raw malamig na.
Natapos at nailabas ang nasabing pelikula. Malaki ang kinita. Samantalang inilalabas ay naging musa naman si Susan, tulad ng mga nakaraang taon, ng koponan sa basketbol na pinamumunuan ni Ronnie. Tila raw nagbabalik ang dating pagpapalagayan ng dalawa.
Ang namagitan daw kina Susan at Ronnie ay isang tampuhan lamang na malimit mangyari sa mga magkasintahan. Pagkatapos daw ng tampuhan ay lalong magiging mainit ang romansa ng dalawa.
May mga palatandaan umano na unti-tunti nang napapawi ang tampuhan nina Susan at Ronnie. Lalo nga kayang uminit ang kanilang romansa sa sandaling sila'y magkasundong muli? Ang pagkakasundo kaya ay mangahulugan ng kanilang mabilisang pagpapakasal?
Malamang ay hindi. Wala pang tumatanggap ng aming pusta na tiyak na dalaga pa rin si Susan ngayong Paskong ito.
* * * * * *
No comments:
Post a Comment