Click on image to enlarge
SUSAN ROCES
ANG SUPERSTAR AT MAYBAHAY
Sinulat ni LETTY G. CELI
SA taong ito, marahil marami ang masisiyahan, lalo na sa panig ng mga maka-Susan, sapagkat ang hinahangaan nilang bituin na dili't iba na si Susan Roces ay muli nilang makikita sa pelikula. Ito ay sa pelikulang ADIOS MI AMOR. Kaya lamang hindi nasunod ang nais nilang ang makatambal ni Susan ay ang isa pa nilang idolo na walang iba kundi si Ronald Allan Poe o ang kilala at hinahangaan ng lahat na si Fernando Poe, Jr. Sa nasabing pelikula, ang katambal ni Susan ay si Eddie Gutierrez.
Di pa man ay mayroon ng mga panghihinayang at katanungan na bakit daw hindi pa si Ronnie ang katambal ni Susan? Bakit daw si Eddie pa, hindi naman sa sinusukat nila ang kakayahan ni Eddie bilang isang artista. Kaya nga lamang, kilalang no. one love team sa pelikula ang mag-asawang ito. Bukod sa nasubaybayan ng madla ang kanilang private life, at batid nila kung gaano katamis ang kanilang pagmamahalan. Alam na naman ninyo ang mga tagahanga, mapaghanap at masyadong seloso at selosa.
Kung sabagay, maraming privileges kung sina Ronnie at Susan ang magkasama sa ADIOS MI AMOR. Halimbawa: Sila ang producer ng sariling samahang FPJ, at nangangahulugang bilang mga pangunahing tauhan, malaking halaga ang mame-menos nila, sapagkat hindi na nila babayaran ang kanilang mga serbisyo. Sapagkat kung talagang babayaran sila, mahigit sa P100,000 ang magiging rate nila. Hindi rin mahihirapan sa pagsasapelikula, sapagkat sila, bilang mga producers ng sariling pelikula, mas madadali ang paggawa nila, sapagkat magkasabay sila ng dating at alis kung may shooting. Ika nga, ultimo maliliit na oras ay ginto sa kanila at hindi masasayang.
Ngunit bakit nga ba hindi pa sila ang nagtambal sa pelikulang ito? Ang totoo, walang naiibang dahilan, sapagkat bago pa ito isapelikula, napagkasunduan ng mag-asawang Susan at Ronnie ang casting ng ADIOS MI AMOR. Hindi sa ayaw ni Susan o ni Ronnie na ang alin man sa kanila ay magkatambal. Lamang, ipinaubaya na nila sa kanilang best friend na si Eddie Gutierrez ang nasabing role. At hindi lang si Eddie ang maaaring itambal kay Susan kung sakali ma't masundan ang pelikulang ito. May mga naka-schedules ang FPJ na mga pelikulang gagawin nila sa loob ng taong ito. Ang gusto ng mag-asawa ay tulungan naman nila ang mga kapatid nila sa pelikula sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng gagampanang mga papel. Sabagay, may pahintulot din naman si Ronnie kay Susan na makipagtambal sa ibang leading lady. Gaya halimbawa ng DAMPOT, PUKOL, SALO na si Pilar Pilapil ang kanyang partner. Sa SANTIAGO naman ay si Boots Anson Roa at sa gagawing STA. QUITERIA ay maaaring si Helen Gamboa kung di magbabago ng plano si Ronnie. Ang mag-asawang ito ay masasabing uliran, mayroong pagbibigayan sa isa't isa, kaya naman madadama ninyo ang malaking pag-ibig na nakalukob sa kanila. Sila ang ehemplo ng pag-ibig na hindi ningas kugon.
SINO si Susan Roces sa likod ng kamera? Maniniwala kaya kayo kung sabihin namin na ang superstar na ito, kung hindi artista sa harap ng kamera ay kusinera naman sa harap ng kalan? Well, ganyan si Susan. Isang plain housewife doon sa mansion house nila ni Ronnie sa White Plains. Maraming househelp si Susan ngunit siya ang naghahanda at nagluluto ng ulam na paborito ni Ronnie. Baka matikman ninyo ang niluto ni Susan, hindi kayo maniniwalang ganoon pala siya kasarap magluto, pati na ng paggawa niya ng cakes at pastries. Marahil itatanong ninyo sa inyong sarili na baka nag-aral siya ng culinary arts or cooking. At ang isa sa mga weakness ni Ronnie ay ang masarap na pagkain.
Hindi lamang iyan, interior decorator pa rin ng sariling tahanan si Susan. Siya ang nagsu-supervise ng mga palamuti, gaya ng mga draperies, kung ano ang tamang kulay, mga knickknacks at iba pang decoration kung saang sulok dapat ayusin. Maging ang mga paborito niyang roses ay mga kamay ni Susan ang namamahala kung kaya't makita naman ninyong malulusog ito at patuloy ang pamumulaklak. Siya pa rin ang nag-aayos ng mga sariling gamit sa katawan ni Ronnie mula sa medyas, panyo, underwear at kung paano niya pingtutugma-tugma ang mga kasuotan ni Rnnie sa mga lakad nito. Okay, alright ang lahat sa loob ng bahay nina Ronnie at Susan. Kanya naman itatanong ninyo kung gaano kapalad ang isa't isa sa kanila, bagama't kulang ng isang baby ang mansion na yaon. Kung sabagay, mayroong isang Divine Grace na siyang pinagkakaabalahan sina Susan at Ronnie. Kaya hindi masasabing hungkag ang loob ng bahay ng mga Poe, sapagkat mawisyo na si Divine Grace at marunong na itong makipaghabulan.
NGAYON naman ay masisiyahan na marahil kayo, sapagkat natugunan na ang inyong pananabik na muling makita sa pelikula ang inyong idolong superstar na si SUSAN ROCES. At umasa kayo na hindi ang ADIOS MI AMOR ang kanyang nag-iisang pelikula, sapagkat masusundan pa ito at maaaring sila ng kanyang hubby na si Ronnie ang magtatambal. Samantala, hindi lamang sa pelikula abala ang mag-asawang ito, sapagkat mayroon na rin silang mga sinehan sa ilang lalawigan at ang pinakamalayo ay ang nasa Hawaii, ang Zamboanga Theater. Ayon sa pagkakabatid namin isa ito sa pinaka-class at hindi lamang local films ang laging ipinalalabas nila. At sa tuwing mayroong mga artistang Pilipino na nag-aabroad, hindi maaaring hindi mag-stop over sa Hawaii at tiyak na daraan sa sinehan doon nina Ronnie at Susan. Maligayang-maligaya si Susan, hindi lamang bilang artista, kundi bilang housewife pa rin.
Source: Pitak Ng Mga Artista
Pinamamahalaan ni Susana C. de Guzman
Tagumpay, Magazine, February 17, 1971
* * * * * *
Talagang Divine Grace. Kaloka! Senator Divine Grace :-)
ReplyDeleteOo nga e. Noon, yun ang pagkakaalam nilang pangalan ni Senadora.
Delete