Click on image to enlarge
KAILAN NGA BANG TALAGA?
ni Romy Galang
Kasal na ba sina Ronnie Poe at Susan Roces? Kung hindi pa ay kailan? Kung kasal na sila nang lihim ay hanggang kailang mananatiling lihim?
Iyan ay ilan lamang sa maraming katanungang nasa isip ng daan-daang libong mga tagahanga ng "hari" at "reyna" ng pelikulang Pilipino.
Hindi miminsang pinabulaanan ni Susan ang balitang sila ni Ronnie ay kasal na nang lihim. Tsismis lamang daw ito at walang katotohanan. Sawang-sawa na raw siya sa tanong na iyan. Nakukulili na ang kanyang tainga. Kahit saan siya magpunta ay naririnig niya ang tanong na iyan. Madalas tuloy na hindi na niya sinasagot. Ngumingiti na lamang siya -- bagay na binibigyan ng ibang kahulugan ng ibang mga tagahanga.
Hindi naman makuhang magalit ni Susan sapagka't para sa kanya ay may karapatang magtanong ang kanilang mga fans. Kahit na ang tanong ay paulit-ulit at ukol lamang sa iisang paksa: ukol sa romansa nila ni Ronnie.
Lalong dumadalas ang pagtanong ngayon ng mga tagahanga sapagka't tila may nakikita silang mga palatandaan na malapit nang humarap sa dambana ang dalawang bituin.
Anu-ano nag mga palatandaang ito?
Una: Lubhang napakatagal na ng romansa nina Ronnie at Susan. Taon na ang binibilang. Mahigit nang tatlong taon.
Kung ang layunin daw ng dalawa ay makilala muna nila nang lubusan ang isa't isa bago sila lumagay sa tahimik ay sobrang-sobra na raw ang panahong iyan. At saka, pagkahaba-haba man daw ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy.
Sapat na rin daw ang panahong ipinaglingkod nina Susan at Ronnie sa kani-kanilang mga magulang at mga kapatid upang simulan naman nilang harapin ang kanilang kinabukasan.
Nangauna nang nangagsipag-asawa ang mga nakababatang kapatid ni Ronnie. May kanya-kanya na silang pamumuhay.
Sa panig naman ni Susan ay may matatag nang kinabukasan ang kanyang mga kapatid. Hindi na siya ang inaasahan ng kanyang pamilya. Ang kanyang mga kapatid na sina Rosemarie at Tessie ay kumikita na nang malaki bilang mga sikat na artista. Samakatwid, talagang maaari nang mag-asawa si Susan.
Tiyak din daw na walang tutol ang pamilya ng mga Sonora at mga Poe sa pag-iisang dibdib ng dalawa. Kapwa sila maluwag na tatanggapin ng katulad, kundi man higit pa, sa pagtanggap sa kanila ngayon.
Ikalawa: Bilang mga bituin ay narating na nina Susan at Ronnie ang pinakamataas na maaaring maabot ng mga artista sa ating pelikula.
Kapwa sila nakapagdidikta ng kanilang presyo sa mga prodyuser. Ang tinatanggap nila ngayon sa bawat pelikula ay hindi pa naging suweldo ng sinumang artista (maliban marahil kay Rogelio de la Rosa bilang kasosyo at bituin ng ilang pelikula).
Nalampasan na ni Ronnie ang inabot na kasikatan ng kanyang ama bilang bituin ng mga pelikulang aksiyon at bilang prodyuser. Napatunayan na rin niyang siya ay isa ring mahusay na direktor.
Isa ngayon sa pinakamatatag na kompanya ng pelikula ang FPJ Productions. Kamakailan ay bumili si Ronnie ng isang kompletong unit sa paggawa ng pelikula. Hindi na niya kailangang umupa ngayon ng mga kagamitan.
Lahat halos ng pelikula ng FPJ ay dinudumog sa takilya, lalo na kung ang mga bituin ay sina Ronie at Susan. Daan-daang libo ang kinikita. Ito ay hindi maipagmamalaki ng ibang kompanya.
Walang kaagaw si Ronnie sa korona ng pagiging "hari" ng pelikula ngayon.
Sa pagiging "reyna" naman ay magkaagaw sina Susan at Amalia Fuentes sa titulo. Maraming nagpapalagay na nakahihigit si Susan ngayon sapagka't nag-asawa na si Amalia.
Ang kulang na lamang kay Susan ay manalo ng gantimpala ng FAMAS bilang pinakamahusay na bituin. At ito naman ay hindi malayong mangyari. Malimit na maging nominee si Susan. Ngayong taong ito ay isa na naman siya sa limang kandidata sa karangalang iyan dahil sa mahusay niyang pagkaganap sa "Maruja".
At saka hindi naman kailangang manalo pa ni Susan, ayon sa kanyang mga fans. Hindi raw miminsang pinatunayan na ni Susan ang kanyang kahusayan bilang artista.
Sisikat daw ba ng ganyan si Susan kung talagang hindi siya magaling gumanap?
Ikatlo: Ang malimit na pagtatambal ngayon nina Ronnie at Susan sa mga pelikula ng FPJ.
Noong una ay ingat na ingat sina Ronnie at Susan sapagtatambal sa pelikula. Pinalilipas muna nila ang mahabang panahon bago sila magparehang muli upang huwag silang pagsawaan ng kanilang mga tagahanga.
Kung hindi kami nagkakamali ay "Ang Daigdig Ko'y Ikaw" ang una nilang pinagtambalan tatlong taon na ang nakalilipas. Sinundan ito pagkaraan ng isang taon ng "Pilipinas Kong Mahal". Isang taon pa uli ay sumunod naman ang "Zamboanga". Noong nakaraang taon naman ay ginawa nila ang "Langit At Lupa."
Noong nakaraang Pebrero ay ginawa nila ang "Magpakailan Man". Dinudumog pa ito sa takilya hanggang ngayon.
Mainit pa, wika nga, ang nabanggit na pelikula nang simulan naman nilang gawin kamakailan ang "Sorrento". Wala pang isang buwan ang pagitan ng dalawang pelikula!
De-kolor ang pelikula at si Manding Garces ang direktor.
Noong una ay taunan kung sila'y magtambal sa pelikula. Bakit ngayon ay linggo lamang ang pagitan?
May mga palatandaan din na bago matapos ang taon ay gagawa pa sila uli ng isa pang pelikula. Marahil ay ang pamaskong pelikula ng FPJ.
Marami ring nagtataka kung bakit ang ikaanim na anibersaryo ng FPJ ang binigyang-halaga ni Ronnie sa pamamagitan ng paggawa ng malalaking pelikula. Bakit hindi ang ikalima?
May malaki kayang okasyon na mangyayari ngayong taong ito? Halimbawa ay ang pagpapakasal nila ni Susan?
Ang malimit ba nilang pagtatambal ngayon ay nangangahulugan na hindi na sila nangangamba na sila lay maaaring pagsawaan ng kanilang mga tagahanga?
Ikaapat: Sa bibig na rin ni Ronnie nanggaling ang balita.
Ang isda raw ay sa bibig nahuhuli. At "nahuli" ng isang mambabalita si Ronnie noong mga huling buwan ng nakaraang taon.
Ganito ang sinabi ni Ronnie: "Mag-aasawa ako sa 1968!"
Sino ang pakakasalan niya? May alam pa ba kayong iba? Ulit-ulit namang sinasabi ni Susan na hindi niya kailanman ipaglilihim ang araw ng kanyang kasal. Ito raw ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ng isang dalaga. Kailangan daw malaman ng buong daigdig -- kung maaari -- ang maligayang araw na iyon.
Hindi na rin problema ang bahay. Mistulang isang palasyo ang bahay ni Ronnie sa tuktok ng isang mataas na gulod sa Antipolo, Rizal. Hindi bahay-bakasyunan lamang ito. Kongkreto at kompleto sa mga mamahaling kasangkapan.
Bagay na bagay iyon kina Ronnie at Susan sapagka't tahimik ang lugar at mula sa balkonahe ay tanaw na tanaw nila ang Maynila. Napakaganda kung gabi. Libu-libong ilaw na parang nagkikislapang hiyas.
Samakatwid ay walang mabigat na dahilan upang patagalin pa ng dalawa ang pananabik ng mga tagahanga.
Kina Susan at Ronnie: Kailan nga bang talaga?
* * * * * *
Source: Pilipino Magazine
May 1, 1968